YUN NGA!

Wednesday, April 13, 2005

Eksenang Pang Fastfood....

Patok sa mga pinoy ang fastfood, mahilig kasi tayong ngumata. Kung mapapansin mo dumadami na ang mga fastfood chains na 24 hours and service. Marami ng nasusulat tungkol sa di magandang epekto ng lutong fastfood sa katawan ng tao... di daw healthy ang mga pagkain. Well kahit sa isang tulad ko na trying hard to go on diet ika nga, paminsan minsan naiisipan ko pa ring balikan ang nakagawian... ang pumila sa McDo, Jollibee, Wendys o KFC para bumili ng makakain.

Kagabi lang dumaan ako sa Jollibee matagal tagal na rin akong di nakakain dun kaya naisipan kong i-try ang kanilang bagong product ang Fish Fillet at Chicken Torpedo. Bago nyo husgahan ang appetite ko kaklaruhin ko lang na take out ito at kasama ko ang kapatid ko. Dahil likas ang pagka Lumen ko, naisipan ko bumili ng Chicken Torpedo at ipagpipilitan sa kapatid ko na Fish Fillet ang kainin para matikman ko din. Konti lang ang pila mga apat na counter ang bukas. Dahil naunang matapos yung counter sa kanan ko kesa sa pinilahan ko... naisipan kong lumipat para ako na kaso umalis yung crew. Pumunta siya sa likod at ng ilang segundo ng hindi bumalik agad naisip kong itanong sa isang crew kung babalik pa yung kahera cum order taker sa counter kung saan ako lumipat ng pila. "Ma'am closed na po yan." Oops masyadong maraming eksena sa MRT nung umaga kaya huminga ako ng malalim at lumingon sa unang counter na pinanggalingan ko. May 4 na nakapila kaya medyo naalarma ako inaantay ako ng kapatid ko sa taxi at kailangang madali (kaya nga ako sa fastfood bumili). Mabuti na lang pinasingit ako nung nasa pangalawa sa linya. GOOD sa loob loob ko. Nung ako na sinabi ko agad sa crew na kung magko close sila ng counter dapat lagyan nila ng (next counter please) kasi nami misled ang customers. Deadma lang siya... sa loob loob ko strike 1. "Ma'am ano po order nyo?"

"Chicken torpedo meal."

"Ano pong drinks?"

"Coke Lite no ice please, tsaka Fish fillet meal"

"Ma'am 8 minutes po." Strike 2!

"Ayoko na nagmamadali ako. Ano ang available?"

"Regular Yum at Regular Yum with Cheese and Mushroom"

"Yung Regular Yum with cheese and mushroom na lang."

"Ano po drinks?"

"Ganun din Coke Lite no ice. Available ba yung pocket pies"

"15 minutes po. Ilan?"

Fifteen minutes?! Eh diba nagmamadali ako? Strike 3 na ito. Nag iiba na ang mukha ko... naalala ko tuloy ang mga ka office mate ko madalas naming gawing biruan yung "parent from hell" kung saan nag tatransform ka unti unti from a nice Mom or Dad into a monster.

"Ayoko na nun."

Tik tak tik tak. Balik ang crew, wala palang Coke Lite. Sprite na lang. Strike 4! Eh wala naman pala akong choice eh di yun nga lang ang kinuha ko. Timpi... timpi... timpi at ng magbabayad na ako nag abot ako ng Php500.00.

"Wala pong lower bill or 120.00 na lang?"

Strike 5!!!!!! At naging parent from hell na nga ako.

"Problema nyo yan kung wala kayong panukli. Alas 10 na ng gabi wala kayong barya? Ang daming wala sa inyo ha! Jollibee number one corporation walang panukli? At fastfood kayo tapos 8 minutes 15 minutes bago makuha ang product? Pambihira!"

Madami pang gustong lumabas sa bibig ko pero kahit paano naawa na rin ako sa crew dahil kung nakakasunog ang boses malamang tostado na siya.

Sigurado akong may mga kani-kaniya tayong kakaibang experience sa mga fastfood chain. Ako di na mabilang, sa ngayon mga not so good ang naalala ko dahil sa winning moment na napala ko sa Jollibee kagabi.

Sa KFC minsang nagkayayaan kaming mag lunch sa office, excited kaming umorder ng 1 bucket ng manok na combination ng hot and crispy at original recipe. At ang kahindik hindik na sagot ng crew, "ay ma'am 15 minutes po? okay lang"

Automatic nag panting ang tenga ko eh Kentucy FRIED CHICKEN ata ang pangalan ng store nila at lunch time, tapos walang chicken? Shempre ang sagot ng mga customer from hell na tulad ko, "HINDI OKAY! pero may magagawa ba ako? eh chicken lang naman ang pwedeng ma lunch dito!" Di ba sasapian ka rin ng masamang espiritu pag ganito ang mga eksenag mapapasukan mo mo.

Di lang diyan nagtatapos ang ganitong indulto... sa Chowking Malolos matapos kong mag drive mula Manila papuntang Hagonoy at pabalik ng Malolos ng walang pahinga...nagutom kaming mag asawa. Dahil gabi na at tamad na rin kaming mag luto take out na siopao na lang ang naisip namin sa Chowking. Guess what.... YUN NA! Wala daw siopao. Putik, eto lang dinayo ko sa chowking. Di ba chinese fastfood restaurant ang Chowking tapos walang siopao.

"Pambihira! wala kayong siopao? Gutom na gutom ako at yan ang gusto kong kainin tapos wala kayong siopao?"

Akala mo ba magko-cross sell ng ibang product asus nangatwiran kinulang daw ang projection nila. Haay in 3 seconds customer from hell ulit ako....

"Di ko na problema yun! Ang sinasabi ko chinese fast food kayo wala kayong siopao. Coke Light na lang large no ice!"

"Wala pong softdrinks ma'am sorry."

Siguro ayaw mo ng marinig yung sinabi ko. YUN NA!

Tuesday, April 12, 2005

Another Box Office Hit...and the rest of the HITS

Maaga ako sa north station alas siete y diyes pa lang. Isang magandang pangitain dahil wala pa ang mga nag puprusisyon sa ibaba ng istastyon. Mapalad pa akong nasakay sa elevator maiksi lang kasi ang pila.

Pag dating sa 3rd floor...TING! gusto ko n sumakay ng elevator pabalik pero di ko magawa. Naalala ko tuloy ang kwento ng hipong tulog... hinahayaan na lang siyang tangayin ng agos ng tubig. Ang munting prusisyon ay nagsisimula na pala sa tuktok. Napilitan na rin akong pumasok... Balak ko sanang sa susunod na tren na lang sumakay pero tulad ng inaasahan nakapasok ako ng MRT ng di ko kinakailangan ihakbang na kusa ang mga paa ko.

Salamat sa libro at nalibang ko ang aking sarili. Nakarating ako ng Ayala ng di ko namamalayan. As usual siksikan ulit sa one way na escalator papanik at pila palabas... para na itong rosaryo alam mo na ang kasunod. But wait...amoy kape! ang mga tao nag kumpulan. Presto may libreng pakape... Blockbuster ito! Dati rati parang langgam na binuhos ang tao sa Ayala Station kung gano kabilis dumagsa ganun din kabilis mawala pero sa araw na ito espesyal ang scenario sa Ayala station. Naka tie... naka blazer...naka maong...naka rubber shoes kanya kanyang hanap ng pwesto habang humihigop ng libreng kape.

Alam ko hindi ako nakangiti pero ang kalooban ko ay bumubunghalit sa katatawa. Maliban sa pag aapply ng US VISA, Passport, pagsakay sa MRT may isa pang box office hit sa mga pinoy. Sa isang lugar na hindi normal na dinudumog siguradong crowd drawer ang kahit anong bagay na pinamimigay na libre. Sa hirap ng buhay ngayon...walang di papatol sa libre.

Sa SM Supermarket lang madalas sa frozen meat section may mga free taste test. Hotdog, ham, bacon etc. kahit never heard ang pangalan dinudumog panay ang kuha ng free taste test. May mga comments pa..hmmm masarap siya o minsan pede isa pa? pero sa tingin mo bibili? YUN NA!

Pati ang mga milk supplement pang bata. Madalas magtatayo ng booth sa mga grocery. Good for you kid's tummy...with DHA...ARA... ang siste sige kukuha ng sample ipainom sa anak kasehodang iba ang gatas na iniinom. Ang nakakatawa minsan pati matatanda umiinom din. Di na kakayanin ng gatas mapunan ang kakulangan sa utak nila. Tulad ng pakiramdam ko sa MRT kanina bago bumaba humahagalpak ang loob ko kakatawa.

Sigurado kahit minsan naabutan ka na rin ng free sampler ng kung anong produkto. Napkin, shampoo sa sachet, pulbos, facial wash etc. Madalas kaysa hindi bumabalik pa sa pila ang iba para makadoble ang hingi...kung minsan pag matigas tigas ang mukha, hantaran ng humihingi ng extra. Naalala ko tuloy yung isang pinsan ko... minsan nakasama ko sa isang maliit na grocery sa amin, litanya ng litanya allergic daw siya sa Modess...matapang ang amoy ng napkin etc. etc. para kumuha ng isang brand na hiyang daw niya. In short never heard... akala ko toothpaste lang ang may ganoong pangalan. Nang minsang magawi kami sa SM at may libreng Modess (unang individually wrapped napkin) hinatak ako para pumila kumuha daw kami nuninuninu... at kinuha pa yung nakuha ko. Kanya na lang daw.

Ang libre nga naman box office hit sa pinoy kaya dito sa pinas masisira ang ulo ng mga nag po product research and testing... tinatanong mo pa.

Monday, April 11, 2005

Eksenang Box Office Hit

Kung merong tunay na box office hit sa takilya hindi ang pelikula ni FPJ, Aga, Ai-ai o Kris Aquino... kundi ang Eksena tuwing umaga sa MRT North Station. Kung mapupunta ka ng MRT bandang alas siyete hanggang alas nuebe ng umaga siguradong isa ka sa mga taong mapapatanghod kung may luluhod na talaga galing sa hagdanan ng north station papunta south.

Parang langgam ang mga tao. Dikit dikit -- lahat ang aim ay makapunta sa hagdan na mistulang prusisyon ang pagpanik papunta sa tuktok. Grabe hindi lang isang linggo ito araw araw blockbuster talaga.

Tsk tsk wala na talagang tiwala sa katinuan ng EDSA ang mga tao kaya MRT ang punta. Di na ako magtataka kung minsan ay lamunin na ng tao ang kalahati ng EDSA sa may north station makapanik lang sa kapanapanabik na MRT. Sa palagay ko kahit maging 30 pesos ang pamasahe sa MRT dudumugin pa rin ito ng mga tao pero sino ba naman ang may gustong tumaas ang pamasahe sa MRT? Ako!? ako nga ata... makasarili pero para tumaas sana ang antas ng serbisyo ng MRT.

Tuwing umaga kasi at naabutan ko ang MRT sa blockbuster mode... naitataas ko ang kamay ko para parahin ang unang TAXI na sana ay isakay ako. Nararamdaman ko kasi kung gano kahirap ang maging mahirap para makipagsiksikan sa MRT makarating lang ng mabilis sa Ayala. Hinahayaan ko na lang na hantaran akong nakawan ng taxi driver sa mga linyang... dagdag na lang po ng 20 pesos sa flag down.... traffic po padagdag na lang sa flag down. Haaay... magastos pero tinitiis ko. Di kasi mababayaran ng 150 piso ang ginhawa ng nakaupo ng maayos, hindi natutulak na parang busabos, na walang naamoy na pawis..malibang na lang kung ang driver ay may pu...k at nakakarating ng matino ang hitsura sa dapat puntahan.

Di ko alam kung kaartehan ito pero yun ang magdidikta ng 60% ng asal mo sa trabaho. Sa tingin ko hindi rin nakakatipid ang mag MRT sa umaga lalo nat galing ka sa north station: Una, sa tulakan at sobrang siksikan sa loob ng tren sigurado pagbaba mo gugustuhin mong huminga ng maayos at uminom dahil tagaktak na ang pawis mo. Mapipilitan kang bumili ng tubig o softdrinks pagbaba or worse

  • halos takbuhin mo na office nyo para makainom ka sa libreng tubig pero magkaka ubo ka dahil malamig sa office pagdating mo... mapapabili ka din ng gamot...
  • nagmamadali ka mag ji jeep ka na o taxi para di ma late at makainom ng libreng tubig sa office
  • titiisin mo ang lahat maglalakad ka ng nauuhaw hanggang makarating sa office... malalamigan pagdating dahil sa aircon at iinom ng libreng tubig. Walang epekto sa unang ilang linggo pero makalipas ang ilang buwan may bronchitis ka na o phenumonia.
    1. Pangalawa, dahil sa sobrang siksikan... pawis na pawis ka at hulas ang hitsura pagdating ng opisina. Mag si CR ka muna para ayusin ang sarili mo. Extra Powder.. extra cologne o pabango. Araw araw ganyan kaya magastos din sa supplies para mag mukhang fresh...

      Pangatlo, dahil sa bwisit na inabot mo sa MRT tuwing papasok ka bad mood ka na.... pag harap mo sa trabaho inis ka na. Minsan isang araw sasabihan ka na lang ng boss mo kung gusto mo ng magpahinga.... ng medyo matagal. For all you know... nag reflect na sa trabaho mo yung mga mumunting engkwentro mo sa MRT.

      Hindi lahat ng box office hit ay talagang magandang panoorin.... argumentum ad populum Minsan yung pinupuntahan na lang ng tao ay yung sa tingin nila ay mas maganda..maayos...mabilis kasi ang naititirang choice ay mura pero talagang di katanggap tangap o sa tingin nila mahal at ang resulta ay di rin naman katanggap tanggap. In other words kung ang panonoorin mo ay ang nagiisang pelikulang 'Bulag Pipi at Bingi Part II' at ang sinehan ay ang Odeon sa Recto, SM Cinema o Glorietta Reserved Seating---kung ikaw si Juan o Juana dela Cruz malamang SM ang pipiliin mo... tinatanong mo kung bakit?! tsk tsk

      Sunday, April 10, 2005

      Lunes na naman... summer time, as usual bakasyon ang mga estudyante pero ang nagtatrabaho may pasok. Sa tanda ko ng ito hanggang ngayon may mga oras na di ko pa rin matanggap na kailangang pumasok ng 5 beses sa isang araw. Masaya naman ako sa trabaho nakakayamot lang talaga gumising ng maaga buti na lang di ako shifting.

      Bakasyon na nga pero ang eksena sa MRT walang pinagbago ganun pa rin. Siksikan at sari sari ang amoy. Higit sa lahat ito ang magdidikta kung anong magiging mood mo sa araw na ito. Naaalala ko tuloy ng buntis ako, tinitiis kong mag umuwi ng naka MRT makarating lang ng north edsa ng mabilis bilis kumpara kung baybayin mo ang edsa. May ilan ulit ding nag tiis akong tumayo mula ayala hanggang north station. Di na talaga masydong apektado ang mga tao ngayon na makakita ng isang dambuhalang buntis na nakatayo. Sa maniwala ka at sa hindi sa 5 beses na may nagpaupo sa akin 3 dun babae ang nag offer.

      Eh ano nga ba ang aasahan mo sa mga lalaki ngayon, pag tumapat ka maduduwal ka sa mga reaksyon. Una, biglang mahihimbing ng tulog. Bago ako pumasok ng MRT nagmamatyag ang mata ng natapatan ko sa paligid tila nag si sight seeing, pero ng tumayo ako sa tapat niya, aba automatic, napikit ang mata at walang kilos para bang 5 oras ng tulog. Pero ng dumating sa istasyon na bababaan automatic nagigising. Pambihira! kakaiba talaga. Sa 3 taon kong pagsakay sa MRT naging pangkaraniwang eksena na to... di ko na mabilang sa daliri ko ang mga lalaking may ganitong katangian.

      Isa pang di ko mapapalampas na katangian ng mga makabagong lalaki na sumasakay ng MRT eh ang pagkakaroon ng stiff neck sa loob ng ilang minuto. Sa tingin ko mas nagpapakatotoo ang mga lalaking ito by 5% kumpara sa mga bigla na lang "natutulog". Ang siste walang kinaiba sa una, pag pasok mo at natapat ka sa kanya mula sa pagkakaharap unti unting ipipihit ang leeg... madalas kung saan patungo ang tren dun ang pihit. Iniisip ko tuloy nag iiba ba ruta ng MRT? Ah baka binibilang ang billboards. Ang tigas talaga ng pihit ng leeg kahit anong mangyari di aka lilingunin takot makita ang tiyan kong malaki.

      Ito ang pinakamalupit... yung mga walang reaksyon. Direcho ang tingin tumatagos sa tiyan ko. Deadma. Okay lang sana. Naisip ko dapat lang siguro pantay pantay may karapatan din namang umupo ang mga lalaki sa MRT sa gitna ng unahan at siksikan. Pero ng may sumakay na 1/4 lang ata ng pangangatawan ko at di hamak na maputi sa akin... siguro mas bata na rin... ABA LINTIK pinaupo. Hinga lang ng malalim baka mag contract ang tiyan. Ito lang nasabi ko sa sarili ko HAYUP!

      Haay Ayala na. Salamat na lang sa mga nagbalik na alaala at nakarating ako sa Ayala ng lumulutang ang isip.